Sa ating Presidente Benigno Aquino III, Bise Presidente
Jejomar Binay; mga dating Pangulong Fidel Valdez Ramos at Joseph Ejercito
Estrada; Senate President Franklin Drilon at mga miyembro ng Senado; Speaker
Feliciano Belmonte Jr. at mga miyembro ng Kamara de Representante; Chief
Justice Maria Lourdes Sereno at ang ating mga mahistrado ng Korte Suprema; mga
kagalang-galang na kagawad ng kalipunang diplomatiko; mga miyembro ng Gabinete;
mga opisyal ng lokal na pamahalaan; mga kasapi ng militar, pulis, at iba pang
kawani mula sa ating unipormadong hanay; mga kapwa ko nagseserbisyo sa
taumbayan; at ang mga minamahal kong kababayan, magandang araw sa inyong lahat.
KORAPSYON. Isa marahil sa pinakamabibigat na problemang
kinakaharap ng ating gobyerno ay ang tila walang katapusang korapsyon. Bago
nanumpa si Benigno Aquino III bilang Pangulo ng Pilipinas noong 2010, isinulong
niya ang ang "Daang Matuwid" na naglalayong ituwid ang katiwalian sa
gobyerno at iba pang sangay nito, ngunit para bang nalimot na ni PNoy ang
pangakong minsan niyang isinulong, magiging isa na rin ba ito sa mga pangakong
napako o kaya'y mabibigyan pa ito ng solusyon ng administrasyon ni PNoy sa
nalalabi nitong anim na buwan sa panunungkulan? Oh, Pangulong Aquino,
nasaan ka nang kailangan ka ng sambayang Pilpino?
Taong 2013, naging mainit ang isyu sa pork barrel scam nang
mabunyag ang P10 billion pesos pork barrel scam na kinasangkutan ng JLN Group
na pag-aaari ni Janet Lim-Napoles. Si Janet Lim-Napoles, ang tinaguriang
"Pork Barrel Queen" ay kasalukuyang nakakulong sa New Bilibid Prison
at sinentensyahan ng habambuhay na pagkakakulong. Habang napapanahon ang
balita, nasaan na nga ba ang Pangulo? Bago pa man lumantad ang pork barrel
scam, maraming humihiling na tanggalin na ang Priority Development Assistance
Fund (PDAF) o ang pork barrel ng mga mambabatas. Ngunit mahirap basta na lamang
tanggalin ang pork barrel, dahil sa marami ang tumututol dito. Kahit pa ang mga
resulta sa poll at mga sarbey ay tumutugon na tanggalin na ito. Unang tumututol
dito ay ang mga mambabatas. Isa pa sa pangunahing dahilan kung bakit hindi ito
madaling matanggal ay dahil hindi pabor si Pangulong Aquino sa abolisyon nito.
Kung kontra ang pangulo, tiyak na mahirap nga itong buwagin. Ngayon, hinahamon
ko ang ating Pangulong Aquino na kung wala siyang itinatagong baho sa likod ng
pork barrel scam, buwagin niya ito at hindi na muling bigyan pa ng badyet ang
mga mambabatas- nangunguna sa pagkalkal ng pera sa kaban ng bayan. Kung totoo
ngang hindi korap ang mga kasapi ng pamahalaan, bakit hindi nila isinisiwalat
ang kanilang totoong Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) at
bakit ginagawang "over-priced" ang mga proyekto nila? Nakakahiyang
sabihin pero palpak ang naging simula ng daang matuwid, hindi maayos na nasolusyonan
ang mga problema ng bansa, maraming isyu ang mga ahensiya ng gobyerno, tulad
halimbawa ng napapanahong isyu ng Bureau of Costums na pilit nilulustay ang
pera at kakarampot na padala ng ating mga OFW na nagbuwis ng dugo at pawis para
lang mapuno ang balikbayan box na laan para sa naiwang pamilya sa Pilipinas.
Hindi maikakaila na ang kahirapan ang nagiging dulot ng korapsyon sa ating
bansa. Tila patuloy na lumalaganap ang kahirapan sa Pilipinas, nahaharap tayo
sa matinding krisis. Nasaan ka nga ba Pangulo Aquino? Nakaupo sa upuan ng iyong
silid-tanggapan o baka naman ay patuloy na naghahanap ng iyong First Lady na
kailanman ay hindi na darating pa?
Sa aking pagtatapos, isang kanta sana ang aking gustong i-alay kay PNoy. "Tao po na nakaupo, subukan niyo namang tumayo at baka matanaw, at baka matanaw ninyo ang tunay na kalagayan ko," ito ay mula sa kanta ni Gloc 9 na nagpapagising sa mga natutulog na puso ng pamahalaan at pinapakita ang realidad ng buhay. Ipinapakita dito ang malaking agwat ng mayayaman at mahihirap sa ating bayan. Ang mensahe ng kanta ay nakasentro sa napakalaking isyu ng kahirapan sa ating bansa. Binibigyang diin rin dito kung gaano kalaki ang epekto ng korapsyon at kahirapan sa Pilipinas.
Magandang araw at nawa'y pagpalain ng Diyos Ama ang sambayanang Pilipino.